Sinamahan ko yung pinsan ko sa POEA para sa pagbalik niya sa Dubai.
Hindi naman ako sangkot dun kaya malamang sa labas lang ako pwede. Hindi naman talaga sa labas, bale sa compound naman ng POEA.
Dumating kami ng POEA bandang 6am, mahaba na ang pila pagdating namin at sarado pa ang gate. Nakipila kami. Hindi pa mainit kaya ayos lang pumila sa labas. Kaso mapanghi ang ilalim ng overpass dahil sa mga bastos na umiihi doon habang wala pang araw, wala pang mga tao, at hindi pa sila pansin. Dilaw pa talaga ang kulay, may bula, fresh pa! Maingay din dahil sa mga bus at mga sasakyan dumadaan. Maraming MMDA pero marami paring taong tumatawid sa kalsada at hindi ginagamit yung overpass. Hindi sila sinisita ng MMDA.
Bumukas ang gate bago mag 7am. Maaga din naman pala.
Hiwalay ang pila ng mga balik manggagawa sa mga kukuha palang ng passport.
Dahil nga naiwan ako sa labas, pansin ko yung mga nakapila sa labas.
Pinapapasok agad yung mga balik manggagawa.
Yung mga nakapila, yun yung kukuha palang ng passport.
Habang tumatakbo ang oras, padami sila ng padami sa pilahan.
Painit ng painit. Walang bubong. Kawawa yung mga walang payong.
Yung iba naka-shades, yung iba ginawang payong yung dyaryo, yung iba bilad.
Narinig ko yung katabi ko, balik mangagawa siya, inaantay nalang yata yung kasama niya.
Ako pala ang kausap niya. Sabi niya, "GRABE DITO SA PILIPINAS, PUPUNTA KA DITO AT PIPILA NG FRESH PA, PAGPASOK MO..." tumigil siya. "TUYOT NA ANG UTAK?" sabi ko.
Umuo lang siya. Dagdag pa niya, "SAMANTALANG SA IBANG BANSA ANG GANDA NG PIPILAHAN MO, WALANG ARAW, MALAMIG. DITO PINAPABAYAAN KANG NAKABILAD SA ARAW. HINDI MAN LANG INAAYOS AT GINAGAWAN NG PARAAN NG MGA NASA LOOB."
Ang palagi kong naririnig sa balita at sa iba, malaki daw ang perang pinapasok ng mga OFW sa bansa. Hindi ko alam. Hindi ko yun gets. Pero kung ganun nga, sana naman hindi naman ganun ang trato sa kanila dito sa sarili nilang bansa. Nakabilad sa araw. Kahit man lang sana palagyan ng bubong yung space na pinipilahan nung mga tao para hindi mainitan o maulanan. Malaki ang pera kamo? Kurakot na naman!
Gusto kong lumabas na bansa balang araw.. o kahit gabi. At kapag kukuha na rin ako ng passport ko o kung ano pang proseso na kailangan sa POEA, ganito rin, ibibilad muna ako sa arawan. Saan napupunta yung tax na binabayaran ko?